Ang kalinisan ay mabisang panangga sa maraming impeksiyon upang mapanatili ang malusog na pangangatawan. Para masiguro ang magandang kalusugan, kailangan nating magtulungan upang mapanatiling malinis ang tubig, ligtas ang pagkain, maayos ang kapaligiran, at maitaguyod ang kalinangan at pagpapahalaga sa mga ito sa lahat ng Pilipino.
Ano pa ang maaari nating gawin? Paano pa tayo mas makakatulong sa paglaban sa pandemyang COVID-19?
WWF:
1. Maging malinis sa katawan sa lahat ng oras
Palaging maghugas ng mga kamay at regular na maligo
Ang tamang paghugas ng mga kamay gamit ang sabon at tubig ay makakasugpo sa virus! Maghugas ng kamay palagi pagkatapos humawak ng anumang bagay, kung ikaw ay namili sa palengke o grocery, o tumanggap ng anumang bagay na galing sa labas at iyong dinala sa loob ng bahay. Ang regular na pagligo ay importante din sa pagpapanatili ng pangkalahatang kalusugan. Dagdag pa ito sa lubusang pag disinfect o pagpatay ng mga mikrobyo sa katawan matapos mamili sa labas.
Takpan ang bibig at ilong kapag uubo o babahing
Kapag ikaw ay uubo o babahing, takpan ang bibig at ilong ng tisyu, panyo, o ng iyong siko. Itapon kaagad ang tisyu sa basurahan. Labhan din kaagad ang panyo pagkatapos gamitin. Agad na maghugas ng mga kamay gamit ang sabon at tubig o gumamit ng alkohol.
Gumamit ng face mask
Palaging magsuot ng face mask kapag nasa labas ng bahay. Magsuot din ng mask kung mayroon kang sipon o ubo kahit na nasa loob ng bahay. Siguraduhing may takip ang iyong bibig at ilong kapag ikaw ay uubo o babahing. Kung ang mask ay pwedeng labhan, labhan kaagad ito pagkatapos gamitin ng isang araw o kung ito ay nadumihan na ng sipon o plema. Kung ang mask ay isang gamitan lamang, balutin ito at itapon sa basurahan nang maayos.
Sundin ang social/ physical distancing
2. Regular na mag-disinfect ng paligid at mga gamit sa bahay
Panatilihing malinis ang tahanan
Ayon sa mga bagong pag-aaral, ang virus na nagdudulot ng COVID-19 ay maaaring makahawa pa rin sa loob ng ilang oras o ilang araw habang ito ay nakadikit sa mga bagay na gawa sa iba’t ibang materyales. Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ang palagiang paglilinis ng mga ibabaw ng mga gamit at pag disinfect o pagpatay ng mga mikrobyo nito ay isa sa pinakamabisang paraan upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa mga pamahayan, kapitbahay, at pamayanan. At huwag ding kalilimutan ang maayos na pagtapon ng inyong mga basura sa inyong bahay!
Linisin ang madalas na hinahawakang mga gamit
Kung ang mga gamit ay marumi, linisin ang mga ito! Linisin at i-disinfect palagi ang mga ito— katulad ng telepono, cellphone, laptop, mesa, hawakan ng pinto, gate ng bahay, switch ng ilaw, at gripo. Gumamit ng paraan na angkop sa materyal o gamit na lilinisin. Iba-iba ang mga paraan sa pag-disinfect kasama na ang paggamit ng chlorine, agua oxinada, at 70% na alkohol.
3. Magluto ng simple at masustansiyang putahe o one-dish meals
Kumain ng iba’t ibang lokal na gulay
Hainan ang iyong pamilya ng sari-saring masustansiya at malinis na pagkain. Linangin ang husay sa pagluluto sa pamamagitan ng paghalo-halo ng iba’t-ibang abot-kaya at masustansyang mga gulay tulad ng kalabasa, kangkong, spinach, sayote, malunggay, at talbos ng kamote. Tingnan itong aklat ng lutuing Pilipino para sa mga simple at masusustansiyang pagkain gamit ang mga katutubong gulay. Ang aklat ay inilimbag ng International Institute of Rural Reconstruction (IIRR).
Pumili ng sari-saring mga halamang-ugat, prutas, at alternatibong pagkaing mayaman sa protina
Kumain ng sari-saring halamang-ugat gaya ng kamote at kamoteng kahoy, prutas gaya ng saging, mangga, abokado, papaya, at bayabas. Kumain din ng mga alternatibong pagkaing mayaman sa protina gaya ng monggo, toge, bataw, spinach, itlog, at mani. Makapagbibigay ang mga ito ng nutrisyon na kailangan ng ating katawan sa araw-araw. Maghanap ng mga recipe na gamit ang mga madaling makuhang pagkain bilang sangkap. Makatutulong ito upang maiwasan ang pagkasira at pagkabulok ng mga pagkain sa mga bukid at pamilihan at nang sa gayon ay matiyak na sariwa at ligtas ang pagkain sa lahat ng oras.
4. Parating hugasan ang pagkain bago ito lutuin
Hugasan ang mga pagkaing binili sa palengke at grocery
Ang iba’t-ibang klase ng pagkain ay nagbibigay ng mahahalagang benepisyong pangkalusugan ngunit kailangang matiyak ang kalinisan nito. Ugaliing hugasan ang mga sariwang pagkain gaya ng prutas, gulay, karne, at isda bago lutuin o kainin, kung ito ay prutas na hindi na lulutuin. Linisin din at i-disinfect ang mga balot at lalagyan ng mga pinamiling pagkain sa grocery. Punasan ang mga ito ng disinfectant o pamatay-bakterya (Narvaez, 2020) o 70% alkohol.
Gamitin ang pinaghugasang tubig na pandilig ng halaman
Pangalagaan natin ang ating likas na yaman, gaya ng tubig. Ito ay mahalaga para mapanatili natin ang ating kalinisan, sa ating paligid man o sa ating pagkain. Ugaliin natin ang pag-ipon, pagtabi, at paggamit muli ng tubig mula sa ating pinaghugasan ng gulay, prutas, at halamang-ugat at ito ay gamitin na pandilig sa ating halamanan.
5. Tangkilikin ang lutong-bahay
Mag-ugnayan at kumain kasama ang buong pamilya
Mas masaya ang samahan kapag may masarap na pagkain. Pagsaluhan ang lutong-bahay at samantalahin ang pagkakataon para mapanatili ang ugnayan sa loob ng tahanan. Ang malusog na katawan at pag-iisip at busog na tiyan ay magandang kombinasyon at panangga laban sa sakit. Ang mga ito ay magpapabuti rin sa pisikal at mental na kalusugan.
Makipag-usap online sa mga kapamilya at kaibigan
Panatilihin ang komunikasyon sa mga kaibigan at pamilya sa pamamagitan ng internet. Tumawag at mag-video call sa mga kapamilyang malalayo at mga kaibigan. Maging magkaugnay kahit magkalayo. Gamitin ang teknolohiya para makipag-ugnayan, gaya ng email, cellphone, at social media.
6. Mag-aliw, balikan ang mga nahintong libangan
Magtanim ng mga halaman sa tabing-bahay
Alam mo bang maraming mabuting naidudulot sa kalusugan ang paghahalaman? Ang pag-aalaga ng pananim sa tabing-bahay ay mabuting ehersisyo para sa katawan. Ito ay nakakabawas din ng pagkabalisa at pag-iisip ng kung anu-ano. Ito ay ilan lamang sa magagandang dulot ng pag-aalaga ng mga pananim na magbibigay ng masustansyang bunga, dahon, at ugat. Nakatutulong din ang halamanan para sa isang kaiga-igayang kapaligiran. Kaakibat nito ay ang matiwasay at kaaya-ayang kaisipan at damdamin. Hayahay!
Bawasan ang mga gawaing makunsumo sa kuryente
Ibaba ang cellphone. Huwag na munang mag-iscroll at magbasa sa social media. Magpahinga sa panonood ng TV. Gumawa ng mga masaya at nakaka-relax na libangan habang nasa loob ng bahay. Magbasa ng libro at sumulat ng tula o maikling kuwento. Mag-bonding kasama ang pamilya sa paghahalaman, pagpipinta, pagrerecycle, paglalaro ng mga masasayang games at pagkukwento sa mga bata. Turuan sila ng mga bagay tungkol sa kalikasan.
7. Pagkakaisa sa panahon ng kagipitan— kapag sama-sama, kayang-kaya!
Maging maalam! Tingnan ang mga opisyal na gabay ukol sa Enhanced Community Quarantine.
Magbasa ng mga lehitimong impormasyon lamang at huwag magkalat ng fake news. Gawin ang iyong tungkulin bilang isang responsableng mamamayan.
Tumulong!
Makipag-ugnayan sa inyong komunidad o barangay at alamin kung sino ang nangangailangan ng karagdagang tulong. Ang mga pamilya ng mangingisda sa Burias at Ticao Islands sa Masbate ay nangangailangan ng inyong tulong para sa kanilang kabuhayang naapektuhan ng pandemya. Suportahan natin sila sa bit.ly/LightsforMasbate at tulungan natin ang ating mga kapwa Pilipinong mangingisda. Alamin kung papaano kayo makaaambag para matulungan ang marami pang iba sa pag click sa link na ito: helpfromhome.ph.
Sama-sama tayong magkaisa laban sa COVID-19! Kapag sama-sama, kayang-kaya!
Laging tandaan! Hindi pa tapos ang ating laban sa COVID-19 kaya ating patuloy na sundin ang mga gabay na ito.
Comments
Post a Comment